Maaga akong namulat sa hirap ng buhay. Mula bata ako iba’t-ibang hirap na ang aking dinanas pero di ako sumuko.
Limang taon pa lang ako noon nang pumanaw ang nanay ko. Nagkaroon ako ng stepmother ngunit di naging madali ang paglaki ko sa piling kanya. Para sa akin, hindi ako nakaranas ng pagmamahal ng isang ina kaya yun ang naging napakalaking kulang sa buhay ko noon.
Umalis ako sa amin sa Leyte at tumira ako sa mga pinsan ko. Pumasok akong kasambahay para makapag aral hanggang sa nakapagtapos ako ng Colloge. Pero di pa rin natapos ang mga kahirapan sa buhay ko hanggang makapag-asawa nako at magka-anak. Tila ganun pa din ang kwento ng buhay ko.
Madalas tinatanong ko ang Panginoon kung bakit parang wala akong karapatang guminhawa sa buhay?
Noong 1997 nalipat kami dito sa Pangasinan. Dito ako unang naka attend ng isang Christian church dahil inimbita ako ng hipag ko. Nakilala ko doon si Ate Fe at siya ang unang nag share at nagpakilala sa akin sa kabutihan ng Panginoon. Pero puno pa din ng pag-aalinlangan ang puso ko. Sa patuloy kong pagdalo, nakilala ko din si Ate Bebot Trazona at nag share din sya akin ng tungkol sa Panginoong Hesus. Doon nako nagpasya na tanggapin ang Panginoog Hesus sa aking puso bilang tagapagligtas ko. Para ipagdiwang ang aking bagong buhay sa Panginoon, nagpa-baptize ako noong July 16, 1997.
Nagpatuloy ako sa Panginoon kahit parang di ko pa rin lubos na nauunawaan ang maraming bagay tungkol sa salvation. Iniisip ko kung nagbago na nga ba ang buhay ko kasi parang pareho pa din ung pagiging sensitive ko lalo na pag may nararanasan ako na hirap. Ginagawa ko itong dahilan para hindi mag-attend ng church. Hanggang one time ng nag-attend ako ng church dito sa Dagupan nagkaroon ako ng 'personal encounter' sa Panginoon. Muli kong isinuko sa Kanya ang buhay ko at ang lahat ng hirap na dala-dala ko sa puso ko.
Nagsimula akong magMature sa aking spiritual life. Mula noon, everytime na may problema ako isinusuko ko na lang sa Panginoon. Ngayon alam ko na ang lahat ng nararanasan ko ay hindi aksidente- may layunin si Lord kung bakit nya pinayagan ito sa buhay ko. Natanggap ko na din na anumang klase ng buhay ay maari niyang gamitin para makilala natin siya. Natutunan ko na din ang laging magtiwala sa Kanya at ipagkatiwala sa Kanya ang lahat lahat sa aking buhay.
Tunay nga na mahirap man ang buhay, ang Dios ay mananatili pa din na mabuti sa atin!
"Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
Joshua 1: 9 ASD