"Ang Panginoon ang Aking Pastol’

April 27, 1988 pinanganak po ako sa Cauayan, Isabela,Lima po kaming magkakapatid, apat na lalaki at isang babae, pangalawa po ako sa panganay,5 yrs old po ako ng lumipat po kami sa Pangasinan sa Probinsya nang Nanay ko, sa Mancup, Calasiao. 

Taong 2005-2007 nag aral po ako sa TechSkill Philippines sa Dagupan City bilang scholar sa kursong Applied Information Technology, dito ko po nakilala ang aming guro sa Computer subject na si Sir Romulo Olalia. Isa pala siyang ‘Born Again Christian’. Nung malapit na kami mag-graduate inanyayahan niya kami sa bahay nila sa Alcala, Pangasinan. Nagkataon na anniversary din ng kanilang Church kaya umattend po kami ng kanilang service. Yun na pala ang umpisa ng pagkakilala ko sa Panginoon at pangunguna nya sa aking buhay.  

 

April 2007 grumaduate na po ako at naghanap ng trabaho. Una pong pumasok sa trabaho ang kuya ko sa Centrum Fuel sa may Talibaew Calasiao. Nais ko din magkaTrabaho kaya nagtanong ako sa kanya kung may bakante at sabi naman niya na meron pero sa ibang Branch. Nag-apply ako sa Centrum Fuel at na assign po ako sa Centrum Fuel Malasiqui Branch sa may Brgy. Gomez bilang Professional Fourcourt Attendant or tinatawag din po nilang Gasoline/Pump Attendant. Ito ang naging unang trabaho ko.  

Akala ko noon mawawalan na ako ng oras para sa Panginoon, kasi magiging busy na ako sa trabaho ko. Yun pala yung napasukan kong trabaho ay may weekly Bible Study. Masaya ako kasi naramdaman ko yung pagkilos ng Panginoon para mapalapit siya muli sa akin.  

Ilang lingo ang nakalipas na pag attend ko ng Bible Study ay tinanggap ko po Jesus Christ bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Doon na po nagtuloy-tuloy ang Buhay Kristiyano ko! 

 

Habang inaakay ako ng Panginoon, sobra din niyang pinagpala ang aking buhay.  

Makalipas ang 5yrs ng aking pagiging Pump Attendant ay napromote po ako bilang Station Team Leader. Na-assign ako sa Bacnotan, La Union. Pagkatapos ng isang taon, dumating ulit ang pagpapala ng Panginoon nang akoy mapromote bilang Manager at sa Lingayen, Pangasinan naman ako sunod na na-assign. Hindi tumitigil ang Panginoon sa mga pagpapala niya. Muli niya akong pinagpala sa aking trabaho nung mapromote po ako bilang Area Business Manager. Mapalad po ako at napunta ako sa trabahong ito hanggang sa ngayon. Wala talagang imposible sa Panginoon kapag siya ang kumilos sa buhay natin.  

July 2014 nung sumunod ako sa Panginoon sa pagbabautismo sa tubig. Sa ngayon lubos ako nagpapasalamat sa Panginoon sa mga taong nakapalibot sa akin at sa pamilya ko na gumagabay sa aming pananampalataya. Nagpapasalamat din ako sa Panginoon sa Ministry na binigay niya sa akin bilang isa sa mga Worship Leaders sa OBOLCF DAGUPAN. Lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon sa binigay niyang Pamilya sa akin, sa aking asawa na si Agnes at sa tatlo namin anak na si Carl Andrew, Ma. Shekinah at yung bunso na si Elijah Zimri, Salamat po sa Diyos!