Mahirap makalimutan yung lindol noong 1990. Maraming kababayan natin ang napinsala. Ngunit yun din ang taon na nagsimulang i-invite ang mga magulang ko ng kanilang matalik na mga kaibigan na dumalo sa kanilang church- ang Dagupan City Christian Fellowship. Yun din ang taon na una kong narinig ang mga kwento sa Bible.
Sa tuwing dumadalo ang mga magulang ko sa Worship Program ng mga adults, kaming mga bata naman ay dinadala sa Sunday School na para sa mga bata. Naaalala ko na maganda at madaling intindihin yung mga lessons naming lalo na yung mga Bible stories. Natuto din kami na magbasa ng Bible, magdasal at marami pang iba.
Bagamat naging regular akong dumadalo ng Sunday School, di ko matandaan kung may nagpakilala o nag-share sa akin na kailangan ko tanggapin ang panginoong Hesus sa aking buhay. Mabuti na lang at nahilig akong magbasa ng Bible. Ito ang naging paraan ng Dios para maintindihan ko na kailangan kong tanggapin ang panginoong Hesus sa aking puso.
Isang araw ay nabuklat ko ang aking Bible sa bandang unahan nito kaya’t nabasa ko ang isang simpleng paliwanag tungkol sa Panginoong Hesus at ang kanyang sakripisyo dahil sa aking kasalalan nang siya’y ipako sa Krus. Sinundan ko yung sinasabi ng aking nabasa at ako ay nanalangin para tanggapin ang Panginoong Hesus sa aking puso bilang Tagapagligtas ko. Akoy labing-isang taong gulang nung gawin ko iyon.
Yun na ang simula ng mga pagbabago sa aking buhay kahit bata pa lang ako. Dumating din ang mga blessings! Kahit sa panahon ng pagsubok nararanasan ko ang kaligayahan dahil sa kanya. At, yun na din ang simula ng pagsali ko sa Music ministry.
Sa mga magulang na makakabasa ng aking munting testimony, ang hamon ko sa inyo ay sikapin ninyong madala sa Panginoon ang inyong mga anak upang lumaki sila sa turo ng mga Salita ng Diyos. Naniniwala ako na may gagawin ang Diyos sa kanila. Ibang iba ang bata na lumaki sa Salita ng Diyos.
Sabi sa Isaias 54:13 “Ako mismo ang magtuturo sa iyong mga anak. Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.” To God alone be all the Glory.